Kung hindi ka nakatira sa New York o kung hindi ka pa nakakapuntang New York, malamang walang kwenta para sa iyo ang pamagat ng blogpost na ito. *turo sa itaas* Kasi kung ako rin ang nakabasa niyan dalawang linggo ang nakakaraan, mapapa-”huh?” lang lang ako. Pero ngayon, napakahalaga ng mga numerong yan para sa akin, hanggang sa tatlong linggo pang itatagal ko rito.
Ano nga ba ang ibig sabihin nyan? 7 North- West 6? 7 Not With 6? Lotto numbers with letters? Room 7N, Ward 6?
Hehe. Tinotopak na naman ako.
Yan po ang mga Subway Trains na sinasakyan ko tuwing papasok sa Mount Sinai Medical Center. Train 7, tapos lipat sa N o kaya ay sa W, at pagkatapos ay lilipat muli sa 6. Tatlong tren papunta, at tatlong tren pabalik. (Kung gusto mong i-trace sa mapa, ang line 7 ay kulay violet, ang line N/W ay kulay dilaw at ang line 6 ay kulay green. At oo, lahat ng kulay na iyan ay subway lines)
Naiinggit ako sa subway system dito. Sana meron din nito sa Pilipinas. Pero kailangan muna nating pagtiyagaan ang MRT/LRT/LRT2 (na iba-iba pa rin ang ticket). At sabi ng kaklase kong graduate ng ECE, guguho daw ang Metro Manila kapag ngayon mo ito sinimulan, hehe.
Mabilis ang biyahe sa subway. Minsan siksikan (lalo na kapag rush hour) pero wala pa ring tatalo sa kasikipan at kainitan ng LRT (with free BO perfume mula sa mga katabi mo).
Maaga ang pasok ko. Umaalis ako dito sa bahay ng alas-singko ng madaling-araw at nagtatagal ang biyahe ng mula 30 hanggang 45 minutes. Ang nagpapatagal lang dito ay ang paghihintay ko sa mga istasyon ng tren kasi madaling-araw nga at konti pa lang ang biyahe. Naglalakad lang ako mula bahay papuntang subway station ng line 7, at mula subway station ng line 6 hanggang Mount Sinai. Una, dahil walang mga tricycle kaya’t dapat ka talagang maglakad, at pangalawa, kailangan ko ng exercise para magising-gising naman ang aking ulirat.
Ibinili ako ng ride-all-you-want ticket ng pinsan ko. 76 dollars at good for one month. MetroCard ang tawag. Kasi kung per ride ako bibili ng ticket, hassle dahil kailangan pang pumila (wala namang pila madalas pero hassle pa rin magbayad nang paulit-ulit, hehe). At 2 dollars per entry ang ticket. Hindi per ride, kasi pwede kang magpalipat-lipat ng tren basta’t hindi ka pa umaalis sa subway system. Integrated din pala siya sa bus system so pwede ka ring mag-bus in between. Ang galing no?
Noong una, litung-lito ako sa subway. Madali siya tignan sa mapa. Madaling i-trace kung saan ka galing at paano ka pupunta sa pupuntahan mo. Pero kapag nasa istasyon ka na at napapaligiran ng mga taong nagmamadali at nagdadaldalan, at nalulunod ka sa iba’t ibang signboards at arrows, hala, wala na. Guguho na lahat ng tinandaan mo. At kapag merong mga linya ng tren na barado o hindi gumagana, kailangan mo pang humanap ng mga alternate routes.
Pero buti na lang nagpapamigay sila ng subway maps. At sa lahat ng istasyon at sa loob ng lahat ng tren, meron ding mapa.
Noong unang araw ko pauwi, maling tren yung nalipatan ko. Sa halip na N train papunta sa amin, ang nasakyan ko ay ang N train pabalik. Pagdating sa next station, sabi ko, ngwek-ngwek, mali. Buti na lang at madali lang umikot. Hehe. At naranasan ko na ring masigawan ng pasaherong nasa likod ko.
Paano ba naman, train transfer, e hindi ako sigurado kung tamang tren ang nasa harap ko. Bigla akong napatigil sa harap ng pinto. Para akong biglang nag-brake, tapos yung mga nasa likod ko na mabilis ang lakad, napa-brake din nang di oras. Kulang na lang, sound effects: “screeech!” E di nagalit yung isang babae sa likod ko, “blah-blah stopping in front of the door blah-blah.” Hindi ko nga pinansin. Sa loob-loob ko, matapilok sana siya o kaya e mapunit ang pantalon. Mwahahahaha.
Nanibago lang ako sa simula, kasi hindi mo na kailangan yung magnetic card para lumabas ng subway. Nung una akong samahan ng tito at pinsan ko, nung palabas na kami, dinukot ko pa yung magnetic card sa wallet ko. Hehe. Pasensya na po, nasanay sa LRT-MRT. At ang mga tao dito, sa hindi malamang kadahilanan, eh hindi mahilig umupo. Minsan, kahit andaming bakanteng upuan, andaming nakatayo. Siguro nagmamadali talaga sila at hindi sila mapakali kung nakaupo.
Pero pinag-iingat din ako ng mga kamag-anak ko rito. Delikado rin daw kasi. May mga loko-lokong nanunulak sa waiting area, kaya mas mabuting nakatagilid ka habang nag-aantay ng tren. Mayroon ding mga nag-aabang ng mahoholdap sa mga istasyon, kaya mabuti pang ibulsa muna ang telepono. Huwag rin daw akong tatayo nang mag-isa sa platform; tumabi raw ako sa maraming tao.
At higit sa lahat, kapag nakita ko raw na punung-puno ang ibang train, pero walang laman ang isang train, huwag ko raw iyun sasakyan. Bakit? Kasi raw, malamang merong BUM na nakasakay sa train na iyon at sa sobrang baho niya, hindi makaya ng mga tao kayat’t lumilipat sila lahat. Umaalingasaw ang baho. Hehehehe.
I have yet to see any of these things happen. Not that I want to. *wink*
Samantala, masasabi ko nang na-conquer ko ang aking subway fear. Hehe. Masaya, pramis. Walang traffic. Hindi ka pagpapawisan. Kabisado ko na kung aling mga pinto ng tren ang katapat ng hagdan, at kung aling mga pinto ang dapat kong sakyan para kapag huminto ang tren e upuan ang tatapatan ko.
Sana may subway system din ang Pilipinas.
Wish ko lang naman.
Isang bagay na hindi mo kailangang malaman:
Sa Mount Sinai Medical Center nanganak sa Gwyneth Paltrow nitong nakaraang linggo. (Hindi ko sila nakita ni Chris Martin, pero wala lang, gusto ko lang ilagay dito. Kaya nga “hindi mo kailangang malaman” eh! =p)