Ronibats.com / 250 posts / 1,558 comments / feed / comments feed

Pagkatapos ng Trauma

Noong bata si roni_bats, ang pakahulugan niya sa salitang trauma ay umiikot lamang sa emosyonal na aspeto nito. Paano ba naman, wala siyang ibang nabasa sa diyaryo, narinig sa radyo at napanood sa TV kundi “na-trauma sa nangyari” at “napaka-traumatic sa bata.” Laking gulat na lang niya sa subject na Health noong high school na ang mga physical injuries na dulot ng mga aksidente ay maituturing din na “trauma.”

Sa makatotohanang buhay ng emergency room, ang mga nasaksak, nasagasaan, nabunggo, nabaril, nasabugan at nadaganan na may malalang physical injuries ay nagiging pasyente ng Trauma service. Dalawang linggong nagsilbing Trauma intern si roni_bats, anim na duty lahat-lahat. Dalawa ang nagdu-duty na Trauma intern araw-araw. Suwertihan, dahil meron talagang mga araw na mas masarap maglasing at magsaksakan o mag-reckless driving. Kapag Biyernes, Sabado o Linggo (lalo na kung suweldo), asa ka pang magpapakabait ang mga mamamayang Pilipino.

Malas si roni_bats. Tuwing magdu-duty siya sa ER bilang Trauma intern, umuulan ng mga pasyente. Isang beses lang siya nagkaroon ng maluwag na duty (apat lang ang pasyente, wala na siyang ginagawa mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-siyete kinabukasan). Lahat ng iba niyang duty, ubos na ubos ang lahat ng enerhiya niya sa katawan.

Minsan, may dumating na Mr. X at Ms. X. Parehas na nakainom. Magkaangkas sa motor na sumalpok sa isang taxi. Ayun, parehong halos walang malay na dumating sa ER (malamang dahil sa mga injuries sa utak), bali ang kanang hita (oo, pareho sila) at bagsak ang blood pressure. Siyempre hindi sila makausap. Kinailangang halughugin ang bag ng babae at hanapin ang cellphone bago siya nakilala. At nang makapunta ang mga kamag-anak sa ER, hindi nila kilala ang kasamang lalaki. Ngayon naniniwala si roni_bats na dapat nang ipagbawal ang pagmomotor sa Pilipinas. Lahat ng nagmomotor, sa kanyang pananaw, ay naghihintay na maaksidente, may helmet man o wala.

Kung mahilig ka sa adrenaline rush, magugustuhan mo ang trabaho ng isang Trauma intern. Sa umaga, nakaupo ka lang. Pabasa-basa ng pocketbook (o textbook, kung toxic ka). O kaya ay natutulog habang nagkakagulo ang mga intern ng Surgery at Medicine sa paligid mo. Kung meron mang mga pasyenteng darating, karamihan sa mga ito ay mga transfer galing sa ibang ospital. Wala nang dapat gawin nang dali-dali.

Pero pagpatak ng alas-dose ng hating gabi, oras na ng Trauma. Sunud-sunod na sila. Ang sarap-sarap ng tulog mo sa station, pagkatapos ay maririg mo ang sigaw ng triage (ER front desk) resident at intern, “TRAUMA!!!”

Sa isang iglap, kailangan mong bumangon, hahablot ka ng mga gamit pang-suwero (dahil madalas ay dinudugo nang malakas ang mga pasyente), ng BP apparatus at ng papel na pang-chart. Hindi ka naman mag-isa. Kadalasang katulong mo ang Surgery at Trauma teams. Pero kasama ka sa front line. Mabilisan lahat ng bagay pero bawal mataranta. May mga pasyenteng dinadala agad sa operating room, at ang mga stable naman ay pinaghihintay muna sa ER.

Masarap ang pakiramdam kapag ikaw ang nagkakabit ng suwero, nagpapaampat ng dugo, kahit nga nag-aabot lang ng bote para sa tubong ipapasok sa baga. Nararamdaman mong kapag nabuhay ang pasyente, maski papaano ay nakatulong ka talaga. Kapag nakuha na ang lahat ng dugong kailangang kuhain, kapag nagawa na ang lahat ng CT scan at x-ray na kailangan, tulog ka na ulit hanggang sa susunod na sigaw ng “TRAUMA!!!”

Nagkaroon din pala si roni_bats ng isang biktima ng dynamite fishing. Ayon sa pasyente, may nagtapon daw sa kanilang bangka ng dinamita. Dinampot niya ito gamit ang kanyang kanang kamay upang ibato sa malayo, subalit sumabog bago niya iyon magawa. Maagang Happy New Year tuloy. Kung saan napunta ang kanyang kanang kamay at kalahati ng bisig, hindi na alam ni roni_bats, subalit malamang ay pira-piraso na sa ilalim ng dagat.

Duda si roni_bats sa kuwento ng pasyente. Malamang ay ito naman talaga ang gumagamit ng dinamita at hindi “naibato sa kanila” gaya ng kanyang kuwento. Ganyan naman talaga ang lahat ng mga pasyente ng Trauma, kahit sino ang interbyuhin mo, walang aamin na siya ang may kasalanan. Lalo na kapag mga kaso ng banggaan, sobrang sakit sa ulo ang hinahanap mo kung tatanungin mo pa sila kung sino ang may kasalanan. Mabuti na nga lang at ang tanging tungkulin ng manggagamot ay gamutin ang kung ano mang kailangang gamutin. Kung sino ang dapat managot, problema na ng korte.

Epektibo rin ang liquor ban upang mabawasan ang kriminalidad sa Pilipinas. Duty kasi si roni_bats sa ER noong eleksyon. Ang sarap-sarap ng pahinga niya buong araw dahil walang mga nasaksak o nagbanggaan. Kung tutuusin nga naman, higit kalahati ng mga pasyente ng Trauma ay lasing o nadisgrasya dahil sa isang lasing. Malas nga lang dahil pagdating ng alas-kwatro, limang sunud-sunod na nasaksak ang pumasok sa ER. Ginising siya ng tunay na mundo mula sa kanyang mala-panaginip na duty.

Hindi na nalaman ni roni_bats kung iisang tao ang gumawa ng mga pananaksak, pero ang mas nakapraning sa kanya noon eh malapit sa kanyang apartment ang pinangyarihan ng mga saksakan. Inakyat agad sa OR ang unang pasyente (multiple stab wounds) pero hindi na rin ito nabuhay.

Sa kabuuan, natuwa naman si roni_bats sa kanyang pagiging Trauma intern. Marami siyang natutunan na maaari niyang magamit sa kanyang pagiging doktor. Halimbawa, alam na niya kung ano ang gagawin sakaling may isang pasyenteng nasaksak na kakatok sa kanyang clinic. At nasanay rin siyang mag-isip nang malinaw kahit nagmamadali.

Mukhang hindi naman siya na-trauma sa pangyayari. Hehe.

Isang bagay na hindi mo kailangang malaman:
Si roni_bats ang Trauma intern-on-duty nang may maganap na pagsabok sa Glorietta. Wala namang pasyenteng umabot sa PGH. (Siyempre, kung babayaran naman ng Ayala, bakit pa sila magtitiyaga sa PGH?!)

18 Comments

  1. carmigz — November 5, 2007 #

    wow ang saya naman! ang exciting! lol!

  2. tarnishedsilver — November 6, 2007 #

    nakakamiss nga ang maging trauma intern. yan ang favorite kong rotation nung intership dahil exciting. ibang usapan na nga lang kapag residente ka na :)

  3. jassy — November 6, 2007 #

    di rin nga ako sang-ayon sa pagmomotor…kase ang dami talagang naaaksidente dun.

  4. ninong — November 7, 2007 #

    nung bata rin ako akala ko ang trauma ay nakakatakot na pangyayari… ang pagkakabigkas pa ng nanay at tatay ko, “tra-u-ma”… hehe.

  5. ling-ling — November 7, 2007 #

    naimagine ko lahat ng hitsura nung mga naging pasyente mo.. di ko ata kaya kung ako yun.. ako ang mattrauma.. kaya talaga namang bilib na bilib ako sayo.. :)

  6. czechoslaviaa. — November 9, 2007 #

    galing. galing. galing. :D

  7. jagged — November 9, 2007 #

    gusto kong maging trauma surgeon!!! hehe..mukang masaya..=)

  8. abychu — November 10, 2007 #

    hahaha.. naaliw ako sa word na “nakapraning.” naisip ko na naman na ang mga manggagamot ay tao lang rin at hindi talaga mga demi-gods na ang alam lang ay mga matatas na salita..

    ;P

  9. thea — November 10, 2007 #

    congrats.dahil kahit toxic at wala pang sweldo,u learned a lot.gained a lot (of confidence)..pride.. din kc u did wat u had to do to help..astig!

  10. siti — November 12, 2007 #

    tama isa sa pinakaenjoy kong duty ang pagduty sa ER hindi dahil ntutuwa ako na maraming naaksidente kundi dahil mas marami ka mtututunan.kya gusto maging ER nurse.:)

  11. prince marlon — November 14, 2007 #

    wow.. grabe i salute eu!!
    hehe.. parang gusto ko
    na rin magduty ah…
    haha…

  12. prince marlon — November 15, 2007 #

    grabe kakaingit naman…
    mukhang exiting..
    ibang usapan nga lang
    kapag ako yung victim!!
    haha…. GOD BLESS YOU POH…

  13. april — November 24, 2007 #

    commercial lang po. kuya ronibats, si neil gaiman daw po nasa fully booked, bonifacio high street bukas. hehe.

  14. bhing — November 27, 2007 #

    kakarelate ang story mo dahil akoy 1 nars din sa ER. buti nga kayo ang daming surgeons and interns, kami single staffing,1 surgeon alang intern….. ganda talagang ma assign sa E.R. galing galing!!!!!!

  15. Jemavine Manongsong — December 29, 2007 #

    hi! kkainspire ng mga stories mo! thanks a lot and more power.. God Bless

  16. sam — January 8, 2008 #

    masarap tlaga mag-motor pero kahit anong ingat talo ka parin sa mga nagllakihang truck kaakibat pa ng mga walang disiplinang driver.

  17. edmond — May 11, 2008 #

    hmmmmm…
    haist lapit nah din ako magduty..

    sabi ng prof. koh..
    masaya dawsa e.r hehe..

    wish me lak…..

  18. edward — May 18, 2008 #

    hehe saya talaga mag duty dusto ko sa triage
    hehe…

Leave a comment