Ronibats.com / 250 posts / 1,558 comments / feed / comments feed

Tungkol sa Pagiging Guro

Nung tanungin ako ni Doc Harry kung puwede ko siyang tulungang mag-grade sa practical exam ng mga estudyante niya sa Ateneo School of Medicine and Public Health, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Madali lang ang kailangang ituro: physical examination para sa cardiac at respiratory system. Wala naman akong gagawin sa mga araw na sinabi niya. Ayos rin ang magiging sweldo. Pero higit sa lahat, mahilig talaga akong magturo. Buong buhay ko, naging guro na ako ng kung sinu-sinong tao.

Noong med school, naging math tutor ako ng isang high school student (na nasa Ateneo na rin ngayon). Tapat lang sila ng apartment na tinutuluyan ko noon kaya madali lang puntahan. Higit apat na taon ko rin siyang tinuruan. Kahit ang dalawang kapatid niyang babae, naturuan ko rin.

Math naman kasi talaga ang paborito ko noong high school. Hanggang ngayon, nasa website pa rin ng Metrobank Foundation ang pangalan ko nung mag-first place ako sa buong NCR. Masarap din kasi ituro ang math. Wala kang kailangang i-memorize. Ire-review ko lang ang mga formula, tapos, gagawa lang ako ng sarili kong mga math problem. Hindi pa nakakapagod magsalita kasi kalahati ng oras, naghihintay ako habang nagso-solve ng sagot ang tinuturuan ko.

Nakapagtutor din ako ng physics at biology sa dalawang college student. Nagvolunteer din ako sa Learning Resource Center ng UP Manila sa loob ng higit isang taon noong nasa College of Arts and Sciences pa ako. Nagturo ako nun ng Math 11, 14 at 17 (Algebra and Trigonometry), at Chem 14 at 31 (Basic and Organic Chemistry) sa mga college students.

Kapag malapit na ang departmental exams, binibigyan ako ng schedule kung kailan ako magtuturo. Walang sweldo yun, meryenda lang na Goldilocks at Zest-O. Madalas, magbibigay ang LRC ng mock exam, tapos ako yung magpapaliwanag ng sagot. Kinuha ko rin yung chemistry kasi pinsan yun ng math. Siguro mga 15 hanggang 20 rin ang estudyante ko nun.

At ang kauna-unahan kong trabaho na merong sweldo, naging full-time tutor ako sa Ahead Megamall. Sa loob ng higit isang buwan bago ako mag-med proper, nagtutor ako nang hindi bababa sa 40 hours bawat linggo. Naglecture din ako ng math minsan sa mga high school students na kukuha ng UPCAT. At sa mga nakaaalala, sa panahong ito nangyari ang kwentong ito. Nakakatawa lang, kasi hanggang ngayon, nasa website pa rin ng Ahead ang pangalan ko. Eh higit limang taon na akong hindi tumatapak sa loob ng review center nila.

Sa madaling salita, hindi na bago sa akin ang pagtuturo. Ang bago lang, first time kong magtuturo ng med students. Ateneo pa!

Sa 105 (?) na first year students ng ASMPH, humigit kumulang 30 ang nagpractical exam sa akin sa loob ng tatlong araw. Simple lang naman. Paisa-isa silang pumapasok sa kwarto at panonoorin ko silang magphysical exam sa isang volunteer na “pasyente.” Noong unang araw, walang “pasyente” kaya’t partner-partner sila kung pumasok. Sa partner nila gagawin ang physical exam. Pero nung dalawang sumunod na araw, meron nang “pasyente” — mga pinakiusapang magvolunteer kapalit ng grocery items. (Hindi ka nga naman makakapulot ng grocery items kung nakatambay ka lang sa bahay!)

May hawak akong checklist. Kapag nagawa nang tama ng estudyante ang nasa checklist, 1 point. Kapag nagawa pero medyo sablay, 0.5 point. Kapag nakalimutan, eh di zero. May checklist para sa cadiac exam, may checklist din para sa respiratory exam.

Sa totoo lang, naaliw ako habang pinanonood ko ang mga naging estudyante ko. Naalaala ko yung sarili ko nung first year. Asiwa sa pasyente. Nanginginig ang kamay at nangangatal ang boses. Hindi alam kung dadamputin ba ang steth o ang BP apparatus. Kukuha ng BP pero hindi alam kung tama ba yung narinig. Kinakabahan kahit hindi naman totoong pasyente ang nasa harap. Nanonood lang naman ang consultant na nautusang magbigay ng marka; hindi naman ito naninigaw o nagagalit.

Masarap magturo ng first year kasi marami kang pwedeng ituro. Ayoko namang umupo lang doon at maglagay ng check mark sa checklist. Kapag napansin kong medyo mali yung ginagawa nung estudyante, o kaya eh halatang hindi siya sigurado sa ginagawa niya, nagtatanong ako.

“Are you sure that’s where you auscultate for S2 splitting?”
“What do you mean normal? Describe normal breath sounds.”
“So what do you tell your patient when you’re done?”

At ang pinakapaborito kong itanong:

“Are you sure you didn’t forget anything?”

Ang nakakatawa nito, nung sumunod na araw, nalaman ko sa isang kaibigan kong second year ASMPH student na natatakot daw yung mga first year med student magpractical exam sa akin kasi ang hirap ko raw magtanong! Haha. Kaya pala pagdating nung pangatlong araw, ang bagal ng pasok ng mga tao sa kwarto ko (Tatlo kasi kaming nagpapa-exam, at nang araw na iyon, ikaw ang bahala kung saang kwarto ka papasok).

Pero si Doc Harry mismo ang nagsabi, pareho lang ang mga tanong namin. Siguro dahil bagong salta ako sa teritoryo nila, kaya may dagdag na terror factor. Hindi naman ako nagtanong ng out-of-this-world. Kapag natapos ka na kasi ng medisina, alam mo nang hindi lahat ng inaaral mo nung first year eh importante. Mangilan-ngilan lang talaga ang magagamit mo sa totoong buhay. Marami sa minememorize mo, nice-to-know lang.

Sinubukan kong ipaliwanag kung ano ang kahalagahan ng alar flaring, retractions at cyanosis. Ipinaliwanag ko rin ang kahalagahan na alam mo kung ano ang tamang medical term sa mga physical exam findings. Nakakahiya kasi, halimbawa, may kausap kang doktor sa telepono, tapos sasabihin mong, “Doc, the patient has respiratory distress manifested by his enlarging nostrils and exaggerated chest movements.”

At ang lagi kong sinasabi sa mga dumaan sa akin nun, bago mo hawakan ang pasyente, titigan mo muna siyang maigi. Inspection muna. Wag masyadong ma-excite sa pagpalpate, pagpercuss at pag-auscultate. Doon mo kasi masasanay ang iyong clinical eye (Naks!).

Kaya rin ako nagtatanong noon kasi ayoko magbigay ng zero. Kapag may nakalimutan ang estudyanteng nasa harap ko, magbibigay ako ng leading question. Kapag natumbok niya ang gusto kong ipaalala, eh di meron siyang half-point. Nagbigay din ako ng bonus point sa pinakamagaling makitungo sa pasyente, sa nakakita ng point of maximal impulse, at sa kaisa-isang nakapagsabi ng pectus excavatum.

Mabait naman ako magbigay ng grade. Marami akong nabigyan ng perfect, lampas-lampas pa nga ang iba dahil may extra points sa checklist. Babagsak ka lang kung kitang-kita kong hindi ka sigurado sa ginagawa mo at dutdot ka lang lang dutdot.

Yun pa kasi ang matututunan mo pag tapos ka na at nagsimula ka nang tumingin ng mga pasyente sa totoong buhay. Lahat ng exam mo nung med school, balewala. Ikaw, alam mo ba kung ano ang class rank ng kahit sino sa mga naging doktor mo? Wala ka namang pakialam, di ba? Ang mahalaga sa iyo, napagagaling ka at mabait ang doktor na kaharap mo.

Habang hindi pa ako nagsisimula ng residency, marami-rami pang pagkakataon ang natitira para makapagturo. Hindi ko pa alam kung kailan ulit ako mapapadpad ng ASMPH, pero sa ngayon, nagtuturo rin ako ng dalawang subject sa isang review center para sa medicine boards (saka na ang kwento). Mukhang babalik rin ako sa high school ko, para magturo sa mga estudyanteng lalaban sa mga math contests na tulad ng mga sinalihan ko noon.

Pag natapos ko na ang residency training at maging consultant ako, isa rin sa mga balak ko sa buhay ang maging faculty member ng isang med school, kahit hindi UP-PGH.

Nakakapagod pero masaya talagang magturo. Kung gaano kasarap marining ang “Tenkyu Dok,” ganun din pala kasarap marinig ang “Thank you, Sir.”

Isang bagay na hindi mo kailangang malaman:
Hindi ka pwedeng mag-ipon ng excess protein sa katawan.

8 Comments

  1. andoyman — November 13, 2008 #

    asteg
    yey!
    ako, hindi ako marunong magturo…haha…naninigaw ako..hwahahaha…
    asteg dok!
    hwoohoo!!

    first comment ako! hwahhooo~~

  2. cm — November 13, 2008 #

    naks si dok ronibats future prof din pala! hehe! =P

  3. izza dear — November 14, 2008 #

    Dear doctor, gusto ko po sanang hingin ang opinyon nyo. e2 na lng ang paraan para mareach kita. Uhmm, anung masasabi mo sa pagtuturo mo sa ateneo, maganda ba ang kalidad ng pagtuturo sa mga duktor, maihahambing ba sa UP, at ang gusto ko talagang malaman, sulit ba ang tuition fee nila. Nagpremed kase ako sa UP, namamahalan ako sa tution kong otsenta mil ngaun.. para ksing hindi sulit ang ibinabayad ko sa skul namin.. hindi biro un dahil hindi madaling kitain un.. nakakaguilty ngang magaral e. halos ganyan ang halaga ng med school na private ngaun..kaya baka pwedeng ipangtuition ko na lng sa may pinakamaayos na school. para hindi sayang. sobrang tuwa ko kasi nung tinangap ako sa feu e. kaya un. sinubo ko ng buong buo. help docs, thanks..

  4. rey — November 17, 2008 #

    Naalala ko tuloy yung book ni Bob Ong na ABNKBBSNPLAko?! masarap talaga magturo, kaso minsan para nakakatakot lalo na kung makikita mo yung ibang students mga astig… parang ang sarap maging terorista… hehehe… na-try ko kasi mag speak sa isang school naloka ako sa mga estudyante don… hehehe… anyway enjoy naman yon… kasi after non may bayad… hehehe :)

  5. Doc GELO — November 19, 2008 #

    Hi Doc! Aliw basahin ang entry mo dito. I’m a registered physician as well but I make a living out of inspiring nurses to do more and become critical thinkers as they prepare for their boards-NCLEX; in other words, I’ve work as a college professor for 4 years teaching Medical-Surgical Nursing and at present a review instructor for Allgen. This is the reason why I can easily relate myself to this blog entry. Guro din ako, sa madaling salita higit sa pagiging manggagamot. Tama ka, ibang fulfillment ang pagtuturo. It’s also my dream to conquer med school and medicine board review centers. Carry on Doc!

  6. benj — November 23, 2008 #

    Ah, mahilig ka ngang magturo - may whiteboard pa! Nice choice of theme, I remember using a similar looking layout (though not exactly like this).

    Ay, dapat pala Filipino! Noong nakaraang taon, nagkaroon kami ng pagsusulit (basta OSCE!) upang malaman ang aming kasanayan sa pag-eeksamen sa mga pasyente. Nasabi ko na ata lahat ng pwedeng masabi para sa pagsusuri ng dibdib at baga ngunit hindi ko nabanggit na may higanteng ahas na tato ang pasyente. HNM! *halakhak ng malakas*

    Ingat doc!

  7. ka bute — November 28, 2008 #

    wow naman. hindi ka lang pang-medisina, pang-educ pa. hehehe.

    i took teaching units after graduation (psych course). pero ’til now di ko pa din nagagamit si lesson plan (medyo inaalikabok na. hehehe). nagtuturo nman ako ngayon pero yung nga lang, hindi sa school. mas pinili ko kasing sumabak sa tinatawag nilang ‘industrial setting.’ kaya eto, i ended up building my career sa hr training.

    di ka naman kuripot sa grade db doc este sir pala? :)

    teka. wala na ba kong nakalimutan? :D

  8. NOC — December 17, 2008 #

    hahah.. u were my preceptor in cardio pulmo! did you give me a perfect grade? hahahh! :)

Leave a comment