Ang Mga Malulungkot na Bagay ay Nangyayari Bago Mag-Pasko

Friday, 14 December 2007

Si roni_bats ay nawalan ng wallet at ng relo sa apartment na kanyang tinutuluyan kahapon. Laman ng kanyang wallet ang kanyang dalawang ATM, ang kanyang PGH ID, mga resibo, mga bagay na senti at halos siyam na daang piso. Ang kanyang relo ay regalo sa kanya nang siya ay magpuntang New York.

Post-duty kasi si roni_bats kahapon. Nasa Pedia OPD siya buong araw noong Miyerkules, duty sa Cancer Institute mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga, at balik sa Pedia OPD mula alas-siyete ng umaga hanggang ala-una ng hapon.

Toxic ang duty niya sa Cancer Institute. Higit tatlumpung pasyente ang pina-monitor. Halos bente doon, Q1 o hourly ang monitoring dahil sinasalinan ng dugo o kasaluyang binibigyan ng chemotherapy. May isang pasyenteng sa sobrang tindi ng cancer pain eh naghihingalo sa sakit. Halos oras-oras ay nagmamakaawang maturukan ng morphine.

May dalawang nagkaroon ng blood transfusion reaction. At sunud-sunod ang pagpapakabit ng suwero at pagpapakuha ng mga dugo. Buti sana kung mga “ordinaryong” pasyente. Pero kung paulit-ulit ka na kasing sumasailalim sa chemotherapy, sunog na halos lahat ng iyong ugat at kay liliit na ng mga bago. Mas lalo na kung bata ang pasyente. Idlip lang ang kanyang pahinga buong gabi.

Kaya ayun, pag-uwi niya sa apartment noong tanghali, naligo lang siya. Kinain niya ang biniling tanghalian. At natulog.

Nang mahimbing.

Paggising niya ng alas-sais ng gabi, wala na ang wallet at ang relo. Mabuti lang at katabi niyang matulog ang kanyang cellphone dahil siya ay nagcha-charge.

Ayaw na niyang magbintang kung sino ang kumuha. Kung magnanakaw man o galing sa loob ng kanyang tinitirhan, malamang, hindi na niya malalaman. Wala nang silbi. Mukhang hindi na niya mababawi ang mga bagay na nakuha sa kanya.

Masamang-masama ang loob niya kagabi habang hinahalughog ang buong apartment. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang suntukin ang bawat pader. Gusto niyang ibato lahat ng makita niyang gamit. Pero wala. Wala talaga.

Ilang ulit ding pag-iisip ang ginawa niya. Kung nakipagpalit kaya siya ng duty? Kung hindi na siya naligo? Kung sa labas na siya kumain? Kung hindi na niya inalis ang relo bago maligo? Kung hindi na niya inalis sa bulsa ng pantalon ang wallet?

Pagod na pagod na pagod talaga siya kahapon. Masisisi ba niya ang kanyang sarili?

Wala na naman siyang magagawa.

Kanina, nagpagawa na siya ng affidavit of loss para sa kanyang mga ATM card at PGH ID. Nagpunta na rin siya sa bangko. At tinawagan na niya ang kanyang nanay para sabihin ang nangyari.

Catharsis.

Pagpapaubaya.

Magpa-Pasko pa naman.

Isang bagay na hindi mo kailangang malaman:
Sa December 25 at 31, duty si roni_bats sa Pediatric Wards.

18 ang nagsalita.

  • 1
    ling-ling

    ganyan talaga pag malapit na ang pasko, madaming kababalaghang nangyayari.. lumalabas ang mga aswang.. hindi dugo o laman ng tao ang kelangan nila.. pera! pera! pera! pera mo ang kanilang binibiktima..

    haaay.. ronibats, isipin mo na lang na paparusahan na lang ni papa jesus yung kumuha ng wallet at relo mo..

  • 2
    siti

    magpapasko rin noong nawalan ako ng pouch at nandun ang pera na mahigit P500, cellfone, school ID at mga bagay na may sentimental value. pero hindi ako ngalit..nainis lang ako sa sarili ko.

    kahit anong pag-iisip ko na kung sana pwede lang balikan at baguhin ang mga pangyayari..pero wla na akong magagawa. sadyang may mga tao na pagnanakaw na lang ang naiisip nilang paraan para mabuhay.

    isipin mo na lang na may mas mahalagang kapalit yung wallet at relo mo.:)

  • 3
    cm

    Waaah nakakagulat naman yung nangyari! Ok lang yan, nangyayari talag ang mga ganyang bagay. Hanga ako sa kung paano mo hinandle yung sitwasyon. Next time, mag-ingat ka nalang lalo. =)

  • 4
    ads

    isipin mo na lang natulungan mo yung kumuha ng wallet mo…

    isipin mona lang din na me mga mapapasaya ka and matutulungan sa 25 and 31 at priceless ang regalo mo sa mga bata na nasa pedia.

    pang bantayog ng mga bayani na ang level mo.

  • 5
    klyonne

    hay, tama…pag pasko nga naman…pati wallet at relo pinapatos para lang may perang pambibili ng ipanghahanda o ng regalo…

    awww…may duty sa dec. 25 at 31?…maxadong toxic…buti nalang at hindi sa ER sa 31 dahil siguradong busyng busy na naman dahil sa mga naputukan…

  • 6
    randell

    (off-topic) Astig bagong layout ng Lightning Crashes ah :D

  • 7
    beece

    isipin mo na lang na may matinding pangangailangan ‘yung taong “nakakita” at “nakadampot” ng wallet at relo mo. kumbaga, tulong mo na lang yun sa kanya.

    haay! pampalubag-loob nga naman!

  • 8
    dyuan

    nung tuesday, december 18, nagtaxi ako papuntang terminal kasi luluwas na ako pauwi ng ilocos. base sa metro, ang bayad ko sa taxi ay 95php pero sabi ng driver nung sumakay ako, dagdagan ko na lang daw. at dahil may spare money pa naman ako, ang kinuha ko sa wallet ko ay 140php. hindi ko na dinouble check yung pinambayad ko.
    kaso nung magbabayad na ako ng ticket ko, wala ang 500php ko. shacks! buti na lang may extra ako pero i ahve this overwhelming feeling na 540 ang binigay ko sa driver.
    ayun naman. Merry Christmas, manong driver. ayusin mo buhay mo.
    isipin mo na lang Pasko nga. :)

  • 9
    Meryl

    Aww. Ako din nawalan naman ng phone noong isang linggo lang. Wala pang 1 taon ‘yun sakin. :(

    “Ang Mga Malulungkot na Bagay ay Nangyayari Bago Mag-Pasko” - Tama. Haaay. :(

  • 10
    Meryl

    Oh! December 13 ka pala nawalan? Ako 14. :(

  • 11
    jassy

    good things will happen…merry christmas!!!

  • 12
    laarni

    sana mga ganyang bagay nalang ang nawala saken ngayong bago magpasko. isipin mo nalang di lang ikaw ang nawalan ng mahahalagang bagay. mabuti ka pa nga mapapalitan mo yun kahit papaano. palit nalang tayo ng sitwasyon, gusto mo? haha. nangyayari ata talaga ang mga ganyan kung kailan di mo inaasahan.

    merry christmas, ronnie

  • 13
    mnel

    hayaan mo na. babalik din naman sa kanila yung ginawa nila eh. ang isipin mo na lang, buhay ka at humihinga. merry christmas! ^_^

  • 14
    jassy

    wala pa ring updates? happy new year!!!

  • 15
    jimjim875

    Bai, you never cease to amaze and make me idolize your work. Haha. Nice art. Thanks!

    Aayos din ang lahat…

  • 16
    Josh

    Hi kuya ronnie! kawawa ka naman,,makakarma din yun,,everything has a purpose ika nga. Ganda ng lay-out ng site mo. Simple but eye-catching. Goodluck sa iyong pagiging intern. Godbless =>

  • 17
    Deboto_ni_ronibats

    Halla! almost 4 months na pala ang post na ito, di man lang ako na-update. Ganun na ba ako ka-busy sa buhay? Good thing bakasyon na, sana may bago ulit post.

    Back to the post content: Ayus lang yan kuya, abortion is not the answer!

  • 18
    junie

    nice site!

May gusto kang sabihin?

Nandito si ronibats.

4
Sa sampung buntis na Pilipinang manganganak, apat sa kanila ang hindi makikita ng doktor, nurse o midwife.
VALID XHTML » VALID CSS