Ronibats.com / 250 posts / 1,547 comments / feed / comments feed

Tungkol sa mga Titi, Prostate at Bato

Tinamad na namang mag-blog si roni_bats. Halos isang buwan din siyang hindi nakapagbukas ng kanyang website control panel o nakapag-check ng e-mail. Ni hindi nga niya namalayan ang pagwawakas ng 10th Philippine Web Awards. Muntik na pala siyang ma-disqualify sa finals dahil hindi siya naglagay ng “Finalist” logo/link (dahil akala niya ay sapat na ang text sa footer ng kanyang homepage).

Hindi naman talaga siya naging busy, pero marami kasi siyang inasikasong mga maliliit na bagay. Nagkaroon siya ng kailangang i-tutor nang madalian sa loob ng isang buwan. May ipinapagawa sa kanyang web layout. Nagbasa siya ng pocketbook. At bumawi siya nang tulog.

Kasalukuyang nasa Opthalmology si roni_bats. Sa mga linggong nawala siya sa ere, dumaan siya ng Urology, Burn at Otorhinolaryngology o ENT. Susubukan niyang bumawi ng kuwento. Sa ngayon, gusto niyang pag-usapan ang mga titi at bato.

Sa walong linggong pagro-rotate sa Department of Surgery, nagkakaroon ang mga intern ng pagkakataong pumili ng isang subspecialty rotation na kukunin sa loob ng isang linggo. Ang pinili ni roni_bats ay Urology.

Una, dahil sanay na si roni_bats sa Obstetrics and Gynecology, gusto naman niyang makita ang kabilang dulo ng spectrum. Pangalawa, ito daw ang subspecialty rotation na maraming OR assist. Siyempre, kaya nga nagro-rotate ang isang intern sa Department of Surgery eh upang makakita ng iba’t ibang operasyon. Ayaw naman ni roni_bats na puro paperwork lang ang kanyang inaatupag. At pangatlo, kahit medyo maraming trabaho ang Uro intern, palaging may libreng pagkain. Tanghalian. Meryenda. Hapunan. Lamon lang naman ang katapat ni roni_bats. Ganyan siya kababaw.

Karamihan sa mga pasyenteng nakita ni roni_bats ay may mga lalaking may problema sa prostate. Karaniwan kasing lumalaki ang prostate kapag tumatanda ang isang lalaki, puwedeng benign o malignant. Dahil doon, naiipit ang daluyan ng ihi. Kung napanood mo yung pelikulang Crash, ganun yung sakit ng tatay nung manyak na pulis. Ngayon, para ma-detect ng isang doktor sa clinic kung lumalaki ang prostate, ginagawa ang digital rectal examination (kung saan ang salitang “digital” ay tumutukoy sa “digit” o daliri at hindi sa computer). Nakakapa kasi ang prostate mula sa rectum.

Kapag napatunayang malaki lang talaga ang prostate at hindi ito cancer, maaaring kayurin ang prostate. Nagpapasok ng mga bakal na tubo sa titi ng isang lalaki. Oo, doon sa mismong butas na nilalabasan ng ihi at ng semilya. Mabilis lang ang operasyon at wala naman talagang hinihiwa. Yun ang tinatawag na TURP. Diyan daw kumikita ang karamihan sa mga urologist. Isipin mo na lang kung ilang milyong lalaking Pilipino ang tumatanda at araw-araw. At isipin mo na lang kung ilan lang sa kanila ang kayang magtiis na hindi makaihi nang maayos araw-araw at gabi-gabi.

Pero bukod sa mga pasyenteng malalaki ang prostate, nakakita rin naman si roni_bats ng mga pasyenteng may mga bato sa iba’t ibang bahagi ng urinary system. Nakapag-assist siya ng operasyon ng bato sa bato (kidney stone o nephrolith), ng bato sa ureter (ureterolith) at ng bato sa pantog (bladder stone o cystolith).

Panalo ang pasyente niyang may cystolith. Dumating ito sa ER ng PGH dahil umiihi ng dugo at ayaw tumigil. Nang ipa-ultrasound at x-ray, ayun, nakita ang isang dambuhalang bato sa pantog. Hirap na hirap sina roni_bats nang hinahatak nila ang nasabing bato sa hiwang ginawa sa may puson. Nang lumabas, kasinlaki ng iyong karaniwang panghilod! Ang tanong lang ni roni_bats, “Kapag tumatalon kaya siya, nararamdaman niyang umaalog yung bato?”

Mukhang may tuberculosis din pala sa kaliwang itlog o testicle ang nasabing pasyente kaya’t nagsagawa rin ng orchiectomy. Dito sa PGH, kahit ano talagang bahagi ng katawan ng tao, makakahanap ka ng TB.

Kaya siguro naaliw si roni_bats sa Urology eh dahil ito ang Surgery na may kinalaman sa kidney. Tulad ng pagkaaliw niya sa Nephrology na subspecialty naman ng Internal Medicine (si Gregory House ay isang nephrologist). Bukod sa utak, ang mga kidney na ang susunod niyang paboritong bahagi ng katawan. Naaaliw siya kung paano isinasaayos ng mga bato ang mga lason, tubig at asin sa katawan. At hindi lang yun, ito rin ang dahilan kaya ka nakakabuo ng mga bagong red blood cells at kaya mo nagagamit ang Vitamin D. Kapag nag-renal failure ang pasyente, isang napakahirap na problema.

Hindi nagsisi si roni_bats sa pinili niyang subspecialty rotation. Hindi niya hinahanap-hanap ang mga batang walang butas ang puwet ng Pedia Surgery, ang mga cleft lip (bingot) ng Plastic Surgery, ang mga agaw-buhay na pasyente ng Surgical Intensive Care Unit at ang mga stressful na open-heart procedure ng Thoracic and Cardiovascular Surgery. Pagkatapos ng pitong araw, nasabi ni roni_bats sa kanyang sarili, “Alam mo, kung hindi ako mag-aapply sa Neurosurgery, dito na lang ako sa Urology.”

Napaghahalatang mga ulo lang ang gustong operahan ni roni_bats. Hahahaha.

Isang bagay na hindi mo kailangang malaman:
Ang normal na laki ng prostate gland ay 20 grams o mga apat na dulo ng daliri.

13 Comments

  1. jagged — December 4, 2007 #

    wow..haha..ngayon ka na lang ulit nagpost doc..araw araw ko kaya chineecheck to..im happy ur back! =)

    RONIBATS:
    Thanks!

  2. ling-ling — December 4, 2007 #

    grabe ronibats! ang tagal mong nawala.. namiss ko ang mga kwento mo, buti na lang at may bago kang post.. tanong ko lang, anu naman yung luslos? yung kuya ko kasi, may ganung problema ngayon, in born daw, pero ngayon lang niya nalaman.. pano yun magagamot? thanks.. :)

    RONIBATS:
    Hernia ang medical term ng luslos. Isipin mo na lang yung abdominal wall, merong weak spot kung saan nakakalusot yung mga bituka, kaya sila bumubukol. Madalas, sa singit nagkakaluslos. Inguinal area yung tawag. Paano gamutin? Eh di ire-repair mo yung weak spot nung abdominal wall para wala nang lulusutan yung bituka. Herniorrhaphy naman ang tawag. Pwede ka rin maglagay ng mesh (parang wire screen) kung paulit-ulit yung luslos kahit ilang beses na i-repair.

  3. siti — December 5, 2007 #

    nakapag-observe na ako ng TURP.haha

    mabuti nga jan sa PGH kahit na kulang sa gamit kahit paano marami pa ring pasyenteng naisasalba.dito sa probinsya marami ang namamatay dahil sa kapabayaan sa ospital at kakulangan sa kagamitan.:(

    RONIBATS:
    Nadadaan sa diskarte. Tsaka kapag masigasig maghanap ng pera ang pamilya ng pasyente.

  4. ads — December 5, 2007 #

    posible palang lumaki ng ganun ang bato sa pantog…ano ang mga symptoms na me namumuo ng boulder sa pantog?

    RONIBATS:
    Yes. Marami pang mas malalaking bato dun. Nakadisplay sa office ng Urology. Hehe. Puwede kang magkaroon ng paulit-ulit na UTI. Tapos gaya nga ng pasyente, puwede kang umihi ng dugo.

  5. Kevin — December 5, 2007 #

    hello po… first year po kasi ako diyan sa UPCM, at madalas, nakakalimutan namin yung silbi nung mga sangkatutak na impormasyong kelangan naming aralin…

    kaya nakakatuwa talaga pag nakakabasa o nakakarinig ng mga kwento sa wards tulad nito…

    tamang tama pa naman kasi nasa urogenital system na kami.

    RONIBATS:
    Ganyan talaga kapag first two years. It gets better, don’t worry. :)

  6. klyonne — December 6, 2007 #

    wow! nakapili na po pala kau ng specialization. neurology! naks! ngaun ko lang nalaman na nagkakaTB ang ibang part ng katawan ng tao..paano?..(nacurious talaga)

    RONIBATS:
    Kadalasan, kumakalat sa pamamagitan ng dugo. Yata. Haha. Magbabasa pa ako. :)

  7. jassy — December 6, 2007 #

    pang grey’s anatomy ka pala…:)

    RONIBATS:
    Hindi nga ako nanonood nun =p

  8. thea — December 6, 2007 #

    8D..glad ur back wid more stories to tell and knowlege to share.

    RONIBATS:
    Yeah. Same here. Hehe.

  9. crysh — December 7, 2007 #

    huwaw,,,newbie ako sa blogsite mo doc,,galeeng nito,,

  10. Meryl — December 7, 2007 #

    Hmm. Ngayon pa lang ako nag-uumpisa manood ng House. Kakatapos ko lang ng season 1. Anong season na ba ngayon? Haha.

    “Pwede ka rin maglagay ng mesh (parang wire screen) kung paulit-ulit yung luslos kahit ilang beses na i-repair.”
    - At ngayon ko lang nalaman ‘to. :)

  11. anna — December 9, 2007 #

    may natutunan na naman ako sa iyo doc!

  12. jassy — December 10, 2007 #

    scrubs, er, at saka house yung okay panoorin…dahil kay house, napapunta ako sa ophthalmologist ng wala sa oras…hehe

  13. summer — January 9, 2008 #

    doc, ano po ba yung kayurin ang prostate. ito ang suggestion ng doctor ng dad ko na 77 yrs. old. mababa ang PSA niya, pero may post residue siya inspite of multiple voiding. yan ang sabi sa result sa TRANS w/ KUB niya. at may 3 nodules na nakita and mildly enlarge prostate gland. kidney is normal. advisable pakaya sa dad ko itong procedure na ito.
    thanks for answering my question in advance. more power to you.
    summer

Leave a comment